Mga Cristo sa Biblia

Bible Commentary: Mga Cristo sa Biblia
Isinulat ni Dodong Baguiz
Chapter 1: Series 3

Ang sangkatauhang napapaloob sa Kristiyanismo ay naniniwala sa nag-iisang Cristo at nag-iisang tagapagligtas ng sanlibutan at walang iba kundi ang Panginoong Jesucristo. Pinatotohanan ng Banal na kasulatan; ang Biblia na si Jesus ay bugtong na anak at Siya at ang Ama ay iisa. Dagdag pa nito na walang makakapunta sa Ama kundi sa pamamagitan lamang Niya.

Maraming talata na nagpapatunay at nagpapatotoo tungkol dito. Gaya ng nakasulat sa Juan 14:6 na ang sabi ay ganito; “Sumagot si Jesus, ‘Ako ang daan, ang katotohanan, at ang buhay. Walang makakapunta sa Ama kundi sa pamamagitan ko’.” Dito nasentro ang paniniwala ng mga Kristiyano na si Cristo lamang ang tagapagligtas at wala ng iba. Subalit, hindi nila namalayan na marami silang nakaligtaan at naging malabo ito sa kanilang pang-unawa dahil hindi sa ganang mga salita ni Cristo ang kanilang sinusundan. Bagkus nakatutok ito sa mga sulat ng mga disipulo gaya ni Pablo na kung saan dito lagi nakabase ang kanilang mga paliwanag.

Sa 1 Tesalonica 4:14 ganito ang nakasulat; “Naniniwala tayong si Jesus ay namatay at muling nabuhay. Kaya naman, naniniwala tayong bubuhayin din ng Diyos ang lahat ng namatay na nananalig kay Jesus – upang isama sa kanya.” Maliwanag na sinabi ni Pablo na ang bubuhayin ay ang mga namatay na nananalig kay Jesus lamang. Kung magkaganon, papaano naman yaong namatay na mga walang kasalanan noong wala pa si Cristo? Kailan lang ba si Cristo? Kung balikan natin ang panahong nagsimula kay Adan, mas mahaba ito kaysa panahong isinilang si Cristo hanggang sa kasalukuyan kung sundin natin si Pablo, paano naman ang kaligtasan sa mga tauhan ng Diyos mula kay Adan hanggang sa dumating si Cristo? Dahil sa hindi malinaw na paliwanag ni Pablo tungkol dito, maraming Kristiyano ang naliligaw.

Mababasa natin sa Biblia, na halos walang patlang ang mga panahon na mayroong inutusan ang Diyos. Ang mga ito ay kung tawagin ay Sugo, Kordero, o Propeta. Mula kay Adan hanggang sa huling aklat sa Bagong Testamento mababasa natin ang presensya ng mga ito. Kung ating halungkatin ang diksyonaryo ng Biblia, maliwanag na ang kahulugan ng Cristo ay sugo o mesiyas. Madaling sabi, marami ang Cristo dahil marami ang sugo mula pa kay Adan.

Sinabi sa Biblia na hindi lamang si Jesucristo ang tagapagligtas. Pati si Moses, Noe at mayroon pang binanggit na hula sa Pahayag na isang Kordero. Kung bakit sinabi ni Cristo na sa pamamagitan lang Niya mangyayari ang kaligtasan ng isang tao. Ang ibig sabihin nito ay maraming katawan ang gagamitin bilang Sugo subalit iisang espiritu lamang na siyang Cristo. Noong sinabi ni Jesus na sa kanya magmula ang kaligtasan, hindi ito sa gana ng kanyang pagkatao subalit ang nagsalita nito ay ang espiritu ng Diyos na nasa loob ng kanyang katawang tao. Ito ang pinakadahilan kung bakit maraming kristiyanong hindi nakakaintindi sa sinasabing; “Ang kaligtasan ay magmumula lamang kay Cristo.”

Sa Gawa 7:35 nakasulat ang ganito; “Itinakwil nila si Moises nang kanilang sabihin, ‘Sino ang naglagay sa iyo upang maging pinuno at hukom namin?’ Ngunit ang Moises ding ito ang sinugo ng Diyos bilang pinuno at tagapagligtas, sa tulong ng anghel na nagpakita sa kanya sa mababang punongkahoy.” Kung si Cristo lamang ang tagapagligtas, bakit sinabi sa talatang ito na si Moises ay tagapagligtas rin? Nangangahulugan lamang ito na hindi lang iisa ang Cristo. Sa bawat panahon na may inuutusan ang Diyos na tao ay siya ang taong tinatawag Cristo. Noong panahong inuutusan si Moises ng Diyos, siya ang Cristo. Iyan ang dahilan kung bakit tinawag si Moises sa kasulatan na tagapagligtas din. Katulad din ito sa panahon ni Noe. Si Noe ay tagapagligtas rin dahil sa utos sa kanya ng Diyos na gumawa ng arka. May taong naligtas sa baha na siyang pinagmulan ng pagdami muli ng sangkatauhan hanggang sa panahong ito.

Sa Juan 3:16 ganito ang nakasulat; “Gayon na lamang ang pag-ibig ng Diyos sa sanlibutan, kaya ibinigay niya ang kanyang bugtong na Anak, upang ang sumampalataya sa kanya ay hindi mapahamak, kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan.”  Maliwanag na sinabi ng Diyos dito na ang bugtong Niyang Anak na kung intindihin walang iba kundi si Jesucristo. Dapat malaman ng mga kristiyano na kailanman, ang Diyos hindi maaaring maging anak ang isang tao. Kung bakit tinawag ng Diyos na si Jesucristo ay kanyang anak; hindi ito dahil sa pagkatao ni Jesus kundi dahil ito sa espiritu ng Diyos na nasa katauhan ni Jesus kaya siya tinawag na Cristo at anak ng Diyos. Kung bakit naging bugtong anak si Cristo dahil nag-iisa lamang ang espiritung gumagamit sa lahat na inuutusan ng Diyos mula pa kay Adan at hanggang kay Juan na siyang huling sugo na naitala sa Biblia.

Sa Juan 3:6 ganito ang sinabi; “Ang ipinanganak sa laman ay laman, at ang ipinanganak sa Espiritu ay espiritu.” Nangangahulugan lang na ang tao ay hindi pwedeng maging anak ang espiritu, ganoon din ang espiritu hindi pwedeng maging anak ang tao. Ang Diyos ay Espiritu kaya hindi Niya pwedeng magiging anak si Jesus kundi yaong Espiritu lamang ng Diyos na sumasakatawan ni Jesus ang siyang tinutukoy na bugtong na anak ng Diyos.

Kaya si Jesucristo mismo ang nagsasabi na darating ang anak ng tao at ang salitang ito ay paulit-ulit na binanggit sa Biblia para maintindihan ang ibig sabihin sa anak ng tao at anak ng Diyos. Pagsabihing anak ng tao, ibig sabihin ay ang physical body ng taong inutusan ng Diyos, subalit kung ang pagkasabi ay anak ng Diyos, ibig sabihin ay ang espiritung sumasakatawan ng taong utos ng Diyos.

Sa Juan 2:19; “Tumugon si Jesus, ‘Gibain ninyo ang templong ito at muli kong itatayo sa loob ng tatlong araw’.” Ngunit hindi ito naintindihan ng mga Judio kaya nagsalita ang mga ito sa Juan 2:20 ng ganito; “Sinabi ng mga Judio, ‘Apatnapu’t anim na taon na ginawa ang templong ito, at itatayo mo sa loob lamang ng tatlong araw?’” Sa Juan 2:21 ganito rin ang sinabi; “Ngunit ang templong tinutukoy ni Jesus ay ang kanyang katawan.”

Dapat malaman ng mga Kristiyano na mayroong dalawang uri ang templo. Pagsabihing templo ng tao, gaya ng templo ni Solomon, ang ibig sabihin nito ay simbahan na gawa ng tao. Subalit, kung ito’y patungkol sa templo ng Diyos, ito ay tao na siyang pinapasukan ng Kanyang Espiritu upang makapagbigay mensahe sa mga tao. Ito ang mga taong binansagang Sugo, Propeta, Cristo at Mesiyas.

Sila ang tinatawag na Anak ng Diyos o Anak ng tao na kung saan nakikita at nakakausap ang Diyos mukha sa mukha, gaya ni Adan, Noe, Abraham, Moises at marami pa. Sa pamamagitan nila naipaabot ng Diyos ang ibig nito sa mga tao.

Sa Genesis 3:8-13 nagaganap ang unang pag-uusap ng Diyos at ng tao, ganito ang nakasulat; “Magdadapit-hapon, narinig nilang naglalakad sa halamanan si Yahweh, kaya’t nagtago sila sa kahuyan. Datapwat tinawag ni Yahweh ang lalaki at tinanong, “Saan ka naroon?” “Natakot po ako nang marinig ko kayong nasa hardin; nagtago po ako sapagkat ako’y hubad,” tugon ng lalaki. “Sinong may sabi sa iyong hubad ka?” tanong ng Diyos. “Bakit, kumain ka ba ng bungang ipinagbabawal ko?” “Kasi, pinakain po ako ng babaing ibinigay ninyo sa akin,” tugon ng lalaki. “Bakit mo naman ginawa iyon?” tanong ng Diyos sa babae. “Mangyari po’y nilinlang ako ng ahas, kaya ako natuksong kumain,” tugon naman niya.”

Nang kausapin ng Diyos si Noe, sa Genesis 6:13-14 ganito ang sabi; “Sinabi ng Diyos kay Noe, “Lilipulin ko na ang tao sa daigdig. Umabot na sa sukdulan ang kanilang kasamaan. Kaya pumutol ka ng kahoy na sipres at gumawa ka ng isang daong na may mga silid. Pahiran mo ng alkitran ang loob at labas.” At sa Genesis 17:1-2 ganito rin ang nakasulat; “Nang siyamnapu’t siyam na taon na si Abram, nagpakita sa kanya si Yahweh at sinabi: ‘Ako ang makapangyarihang Diyos. Sumunod ka sa akin at ingatan mong walang dungis ang iyong sarili habang ikaw ay nabubuhay. Ako’y makikipagtipan sa iyo at pararamihin ko kayo’.”

Sa Genesis 35:1 ganito ang sabi; “Sinabi ng Diyos kay Jacob, ‘Pumunta ka sa Betel at doon ka manirahan. Ipagtayo mo roon ang dambana ng Diyos na nagpakita sa iyo samantalang tumatakas ka sa iyong kapatid na si Esau’.” Marami pang talata na nag-uugnay sa mga taong Sugo na nakipag-usap at nakakita ang mga ito ng Diyos. Kaya sa panahon ngayon, napakalungkot isipin na maski ang mga malalaking lider ng pananampalatayang Kristiyano ay isa man lang ay walang nakakita o nakakausap sa Diyos. Ang tunay na Sugo, mangyayaring nakikita at nakakausap niya ang Diyos.

Maraming bagay na hindi kayang abutin ng isip ng tao lalo na kung ito ay tungkol sa gawain ng espiritu. Kaya sinabi ni Cristo sa Juan 3:12 ang ganito; “Kung hindi ninyo pinaniniwalaan ang sinasabi ko tungkol sa mga bagay sa sanlibutang ito, paano ninyo paniniwalaan kung ang sabihin ko’y tungkol sa mga bagay sa langit?” Dagdag pa nito, may pangyayari na may gawa ang mga anak ng Diyos subalit ito’y hindi naintindihan ng mga tao, kaya nagalit ang Diyos dahil dito. Sa Genesis 6:1-3 ganito ang sabi; “Makapal na ang tao sa daigdig nang panahong iyon. Marami silang anak na babae, at ang mga ito’y magaganda. Nang makita sila ng mga anak ng Diyos, ang mga ito’y pumili sa kanila ng kanya-kanyang asawa. Sinabi ni Yahweh: ‘Hindi ko ipahihintulot na mabuhay nang matagal ang tao, sapagkat siya’y makalaman. Hindi na lalampas sa 120 taon ang kanyang buhay sa daigdig’.” Nakapagtataka kung bakit nagalit ang Diyos sa mga tao nang ang mga anak ng tao ay nagiging asawa ng mga anak ng Diyos. Kung tingnan ito, malaking galit talaga dahil isinumpa Niya ang mga tao na mula noon ay hanggang 120 nalang ang edad. Samantalang sa mga panahong yoon ay umaabot pa at mahigit pa ng 900 ang edad ng mga ito.

Dapat nating maintindihan na ang anak ng Diyos ay wala itong katawan, mga espiritu ang mga ito. Sila’y gagamit ng katawan ng tao bago sila makapag asawa sa mga anak ng tao. At kadalasan pa nito, ang isang tao na gagamitin ay palit-palit ang maraming espiritu. Gaya ni Haring David at Haring Solomon na mga bantog sa pagiging maraming asawa subalit hindi nagalit ang Diyos sa kanila bagkus pinuri pa ang mga ito. Dahil sa ganoong pangyayari ay hindi sa ganang kagustuhan nila subalit ang may gusto nito ay ang mga espiritung gumagamit sa kanilang mga katawan.

Ang mga bagay na ito ay hindi naintindihan ng mga tao, kaya kadalasan nagkakaroon ng mga negatibong reaksyon at dahil dito, nagreresulta ng masama na siyang dahilan kung bakit nagalit ang Diyos sa mga tao kaya’t pinarusahan ang mga ito sa pamamagitan ng pag-iksi ng termino sa buhay.

May mga Sugo na marami ang asawa at ang Biblia ang makapagpatunay nito. Sa kabila na pinagbawal ito sang-ayon sa sampung utos ni Moises; mababasa natin sa kasulatan na nilalabag ito ng mga taong inuutusan ng Diyos.

Si Abraham na kinikilalang Father of Faith ng mga Kristiyano ay tatlo (3) ang asawa. At si Jacob naman na pinagmulan ng twelve (12) tribes ay apat ang asawa. Si Haring David na sinabihan ng Diyos na kanyang lahi isilang ang Mesiyas ay isandaan (100), isa lang ang tunay nito. Samantalang si Haring Solomon na pinagmulan talaga sa lahi ni Cristo ay mayroong isang libo (1,000) ang asawa nito at pitong daan ang tunay nito.

Sa ibang parte, wala tayong mababasa sa Biblia na si Cristo ay nauugnay sa isang babae, at ito’y lubos na pinaniwalaan ng mga Kristiyano. Ngunit may mga ibang aklat na nagsasabi na si Cristo ay may mga babae, isa na nito ay ang “The Vinci Code”.

Sang-ayon sa aklat na ito, si Magdalena ang tunay na asawa ni Cristo. At kung bakit ito naging bayaran ang kanyang pagkababae dahil natuklasan niya na si Cristo ay maraming babaeng nauugnay maliban sa kanya. Ang impormasyong ito ay hindi umabot sa kaalaman ng mga Kristiyano dahil sadyang itinatago sa mga pinuno sa relihiyon. Lumabas lang ito nang ang aklat na “The Vinci Code” ay nasa pamilihan o bookstore na.

Ang Biblia ay nagpapatunay na maraming inuutusan ang Diyos simula pa kay Adan at hanggang sa panahon ni Cristo. At ang pinakahuli ay si Juan na sumulat sa aklat ng Pahayag o Revelation. Bawat Sugo ay may sariling batas na pinaiiral. At ang mga batas na ito ay halos lahat kahawig sa sampung utos na ibinigay ng Diyos kay Moises. Kaya ang bawat sugo ay mayroong mga batas na ipinasunod sa kani-kanilang mga tagasunod ay nagbabawal ito ng pag-aasawa ng sobra sa isa.

Ang mga tunay na tagasunod sa bawat sugo ay lubusang sumusunod sa batas na ito. Ngunit ang mga taong Sugo ng Diyos; bakit sa gitna ng pagbabawal na ito, nagawa pa nilang magkaroon ng maraming asawa? Ayon sa Mateo 5:17-18 na nagsabi ng ganito; “Huwag ninyong akalaing naparito ako upang pawalang-bisa ang kautusan at ang aral ng mga propeta. Naparito ako hindi upang pawalang-bisa kundi para ipaliwanag at ganapin ang mga iyon. Tandaan ninyo ito: magwawakas ang langit at ang lupa, ngunit ang kaliit-liitang bahagi ng Kautusan ay di mawawalan ng bisa hangga’t hindi nagaganap ang lahat.” Ang tinutukoy ni Cristo dito ay ang sampung utos ni Moises na kung saan ay hindi dapat labagin ito. Subalit, nakapagtataka dahil ating mabasa na si Cristo mismo ay lumabag nito partikular sa araw ng sabado dahilan sa pagkagalit ng mga pariseo hanggang Siya’y pinatay. Subalit, bakit sinabi Niyang hindi Niya pawalang-bisa ang Kautusan bagkus ipatupad ito?

Sa Mateo 12:1-2 ganito ang sabi; “Isang Araw ng Pamamahinga, naparaan si Jesus sa triguhan. Nagutom ang kasama niyang mga alagad kaya’t nangitil sila ng uhay at kinain ang mga butil. Nang makita ito ng mga Pariseo, sinabi nila sa kanya, “Tingnan mo ang ginagawa ng iyong mga alagad. Bawal iyang kung Araw ng Pamamahinga.” Dagdag pa nito, ganito ang sabi sa Lucas 6:6-11; “Isang Araw ng Pamamahinga, muling pumasok si Jesus sa sinagoga at nagturo. May isang lalaki roong tuyot ang kanang kamay. Sa hangad ng mga eskriba at mga Pariseo na maparatangan si Jesus, nagbantay sila upang tingnan kung siya’y magpapagaling sa Araw ng Pamamahinga. Subalit batid ni Jesus ang kanilang mga iniisip, kaya’t sinabi niya sa lalaking tuyot ang kamay, ‘Halika rito sa unahan.’ Lumapit naman ang lalaki at tumayo roon. Sinabi ni Jesus sa kanila, ‘Tatanungin ko kayo. Alin ba ang ayon sa Kautusan: ang gumawa ng mabuti o ang gumawa ng masama sa Araw ng Pamamahinga? Magligtas ng buhay o pumatay?’ tiningnan ni Jesus ang nasa palibot niya at sinabi ng lalaki, ‘Iunat mo ang iyong kamay!’ iniunat nga niya ang kanyang kamay at ito’y gumaling. Nagngingitngit sa galit ang mga eskriba at mga Pariseo, at pinag-usapan nila kung ano ang dapat gawin kay Jesus.” Hayagang nilabag ni Cristo ang sampung utos ni Moises.

Mababasa natin sa Biblia na ang bawat Sugo ay kanya-kanya silang mga batas. Sa bawat panahon na may taong Sugo ay mayroon itong sariling batas mula sa Diyos na dapat sundin sa panahong yoon. Noong panahon ni Adan inutos ang paghandog sa pamamagitan ng pagsunog ng hayop at pananim bilang handog sa Diyos. Ganito ang sinabi sa Genesis 4:3-5; “Dumating ang panahon na si Cain naman ay naghandog kay Yahweh ng ani niya sa bukid. Kinuha naman ni Abel ang isa sa mga panganay ng kanyang kawan. Pinatay niya ito at inihandog ang pinakamainam na bahagi. Si Yahweh ay nasiyahan kay Abel at sa kanyang handog, ngunit hindi niya kinalugdan si Cain at ang handog nito. Dahil dito, hindi mailarawan ang mukha ni Cain sa tindi ng galit.” Dito nagsimula ang paghandog bilang alay ng tao sa Diyos. Ito ang unang batas sa tao; ang paghandog sa Diyos.

Noong dumating sa kapanahunan ni Noe, mayroong batas na nagbabawal sa tao. Sang-ayon sa Genesis 9:4 ay ganito; “Isang bagay lamang ang hindi ninyo makakain, ang karneng hindi inalisan ng dugo na siyang sagisag ng buhay.” At lumipas ang maraming mga taon, dumating sa panahon ni Abraham, sinabihan siya ng Diyos tungkol sa pagpatuli sa lahat na nasasakupan nitong mga lalaki kasama na siya rito. Sa Genesis 17:10 ganito ang sabi; “Ganito ang inyong gagawin: lahat ng lalaki sa inyo ay tutuliin.” Dahil utos ito ng Diyos, nangyari ito hanggang sa kasalukuyang panahon.

Ang sampung utos ay ibinigay kay Moises at hanggang ngayon sinusunod pa ito ng halos lahat ng Kristiyano. Ngunit mababasa natin na ang mga ibang Sugo ng Diyos ay hindi sumusunod dito. Gaya ni Haring David, Haring Solomon at pati na rin si Cristo. Ang mga Sugo, Propeta o Cristo ay hindi saklaw ng batas ng tao dahil Sila’y mga “dios”. Sa Juan 10:34-35 ganito ang sabi; “Tumugon si Jesus, “Hindi ba nasusulat sa inyong Kautusan, ‘Sinabi ko, mga diyos kayo’? Mga diyos ang tawag ng Kautusan sa mga pinagkatiwalaan ng salita ng Diyos, at hindi maaaring tanggihan ang sinasabi ng Kasulatan.”  Sinabi sa talatang ito na ang mga Sugo ng Diyos ay “diyos” rin. Dahil sila’y mga diyos, hindi sila nasasakop sa batas ng tao. Iyan ang dahilan kung bakit karamihan sa kanila ay walang pakialam sa batas partikular sa sampung utos ni Moises.

Sa puntong ito, maraming Kristiyano ang naliligaw, dahil ang pagkilala nila ni Jesucristo ay Diyos gaya ng Diyos Ama. Subalit, basi sa talatang ating binanggit, si Jesucristo ay ganito lamang na “diyos” at hindi “Diyos”. Ganoon rin sa ibang Kristiyano na sa buong pagkilala kay Jesucristo ay tao lamang. Tiyak na mali ang paniniwalang iyon, bakit? Dahil si Cristo ay Sugo ng Diyos dahilan na Siya’y dapat tawaging “diyos”.

Nandito na tayo sa huling panahon, dapat makilala ng mga mananampalatayang Kristiyano ang pinakahuling Cristo na Siyang tutubos sa sangkatauhan ng sanlibutan. Ang Cristong ito ay tiyak na hindi si Jesus. Sa Pahayag 5:6 ganito ang sabi; “Pagkatapos, may nakita akong isang Kordero na nakatayo sa pagitan ng matatanda at ng tronong napaligiran ng apat na nilalang na buhay. May mga bakas na nagpapakilalang pinatay na ang Kordero. Ito’y may pitong sungay at pitong mata na siyang pitong espiritu ng Diyos na ipinadala sa buong sanlibutan.” At sa Pahayag 5:9 ganito rin ang sabi; “Inaawit nila ang bagong awit na ito: “Ikaw ang karapat-dapat na kumuha sa kasulatang nakalulon at sumira sa mga tatak niyon. Sapagkat pinatay ka, at sa pamamagitan ng iyong dugo ay tinubos mo para sa Diyos ang mga tao, mula sa bawat lipi, wika, bayan, at bansa.” Maliwanag na mayroong ibang kordero maliban ni Jesucristo. Sa Pahayag 1:3 ganito ang nakasaad; “Mapalad ang bumabasa ng aklat na ito, ang mga nakikinig sa hulang inihahayag nito, at tumutupad sa nasusulat dito! Sapagkat ang lahat ng ito’y malapit nang maganap.” Matatandaan na ang Pahayag ay isinulat bilang hula sa kalagitnaan ng taong 80 at 90 A.D. Dahil dito, nangangahulugan lamang na iba talagang korderong ito kay Jesucristo.

Sa Pahayag 22:12 ganito ang sabi; “Makinig kayo!” wika ni Jesus. “Darating na ako! Dala ko ang mga gantimpalang ibibigay sa bawat isa ayon sa kanyang ginawa!” Ang pangalawang pagdating ni Jesucristo ay hindi sa pagligtas kundi upang maghatol ito. Kaya mainam na matagpuan ang Korderong ito upang makasama sa kanyang pagligtas sa sanlibutan.

Ang hindi pangkaraniwang pangyayaring nagaganap sa kasalukuyang panahon ay nagbabadya ng katapusan. Ang halos araw-araw na paglindol sa iba-ibang dako. Mga pangyayaring magkaiba-ibang kalamidad na siyang nagpapahirap sa buong sanlibutan. Mga bangayan sa mga relihiyon at sa mga bansa. Mga sakit na hindi maintindihan. Taggutom at kahirapan sa halos buong sandaigdigan ay dapat paghandaan dahil hindi na magtatagal ang kahatulan sa mga makasalanan.

Ang Korderong nabanggit sa aklat ng Pahayag ay sadyang pinadala ng Diyos bilang Cristo at tagapagligtas sa panahong ito. Kaibigan, hanapin mo siya!

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s